Saturday, March 2, 2013

Panaghoy sa Emperyong Putik


Panaghoy sa Emperyong Putik

Adrianne D’Cruz Balagot


Nanaghoy na diwa at durog na dibdib

Sa puod na mahal kinalingang labis

Pagkat ngayo’y saklot ng dusa at pait

Ang bayan-bayanang at emperyong langit.


Ministrong dumatal sa Puod ng ngiti

Ponebre ang awit, alulong ang himig

Itong manggagaod may luksa ang tinig

Pagkat itong sagwan ay binaling pilit.


Ang  bantay-salakay sa puod na mahal

Kung noon ay yuko… ngayon di mapihit

Pagkat ang ministrong dumatal nang pilit

Kakulay ang kapa sa Emperyong Putik.


Bayan-bayanang dati’y umaaawit

Agam-agam ngayon ang patagong hibik

Pagkat sinisila ng kondesang lintik

Upang maibangon kaniyang mga kabig.


Oh! mumunting ibon, luha mo’y idilig

Sa punong Akasyang may tatag ang tindig

Panaghoy ng dahon ay mga pasakit

Sa Puod mong mahal na dinagit pilit.


Matapa’t na bantay ng landas na tuwid

Kahit dinudurog ng maso ang isip

Hindi isusuko ang bandilang punit

Hangga’t SULONG tangan liwanag ang hatid.


Pusong nalugami sa dating Parthenon

Mga mandirigma ay pilit bumabangon

Pagkat umaasa sa durog na muhon

Lilitaw ang Laura  sa takdang panahon.


Oh! Mahal na Ina nitong aming puod

Oh! Reyna Mileyang sa Pag-ibig lipos

Panaghoy ng anak nawa’y maulinig

Bago  pa tuluyang mata ay ipinid.


Matarong na Hari sa Puod na Handog

Sa kumpas ng setro lingkod mo’y susunod

Lakas nitong hukbong nabaon sa limot

Babangon sa hukay at muling gagaod.


Oh! Kabanal-banalan mahabing Diyos

Oh! Bathalang makapangyayaring lubos

Nawa itong habag sa Puod ihulog

Upang ‘yong mga anak muling pumalaot.