Panalangin: Susi sa Pagtatamo ng Kaligayahan at Kaganapan
Ni Brian Adams
Salin sa Filipino ni Adrian D’Cruz Balagot
“Maraming bagay ang hinulma ng pananalangin kaysa sa pinangarap ng tao. Ano pa ang inihigit ng tao sa tupa o kambing na hinubog ang nadirimlang buhay sa ubod ng isipan, kung sa pagkilala sa Diyos ay wala silang iniangat na mga kamay ng panalangin para sa sarili at sa tumatawag sa kanila ng kaibigan.”
-Tennyson
ANG GININTUANG SUSI SA PAGTATAMO NG KALIGAYAHAN: Ang pinakadakilang lakas ng buhay ay natatamo sa pamamagitan ng diwa, pagsasalita at panalangin. Ang susi ng matagumpay na pamumuhay ay nakakamtan sa pamamagitan ng matalino at matapat na paggamit ng panalangin. Ang panalangin ay ang pagnanais para sa tamang kilos na iiral sa iyong buhay at gayundin sa iba pang mga salik ng iyong pagkatao. Ito ang pag-hiling ng tumpak na pangyayari at pagkakataon ng pakikipag-uganayan sa Panginoon upang ganap na humulma ng relasyon sa kanya. Gayundin, upang magpasalamat sa mga mabubuting pangyayari na nagaganap sa buhay. Kapag ikaw ay nananalangin, lumilikha ka ng relasyon ng pakikiisa sa Panginoon, ito ang pangunahing layunin ng tao sa daigdig. Ang paghiwalay ng pakikipag-uganayan sa Panginoon ang sanhi ng lahat ng pagkakagapi at pagdurusa.
Panalangin ang pinakamahusay na anyo ng enerhiya na lumilikha at nagpapaunlad sa mga nasain na naayon sa iyong antas na narating. Kapag ikaw ay dumadalangin, ikaw ay uma-angat sa panibagong anyo ng pag-iisip, sapagkat ikaw ay panibagong anyo ng pag-iisip, sa dahilang ikaw ay diwa ng Diyos kung saan ang lahat ay pawang mabuti. Ang iyong pananaw at disposisyon sa buhay ay nababago habang patuloy mong inilalapit ang katotohanan ng Diyos sa iyong pang araw-araw na pamumuhay.
Ang aplikasyon ng panalangin sa ating buhay ay nagbibigay ng higit na talino, kakayahang magbigay ng tumpak na pagpapasya at makisalamuha sa kapwa. Ang mga taong may nauu-nawaan sa kahalagahan ng panalangin sa ating buhay ay higit na malinaw na nakikilala ang sarili at ang papel na dapat gampanan sa sangkatauhan. Makatutulong din ito upang ipaunawa sa iyo na ang tunay mong relihiyon ay ang laman ng iyong isipan at hindi ang sektang iyong kinaaaniban.
Nais ng Diyos na maranasan at magtaglay ang tao ng mabuting kalusugan, kaligayahan at kasaganaan. Hindi ninais ng Diyos na tayo’y manganlong at makaranas ng kalungkutan at pagdurusa, kahit na kung minsan ay sinisisi natin ang Diyos sa mga pangit na pangyayari sa ating buhay.
Kung may kulang sa iyong buhay, ang taimtim na panalangin ng paghiling ay maghahatid sa higit na pagkilala sa pag-ibig ng Dakilang Lumikha. Ito ang magbibigay ng seguridad, tutulungan ka sa mga pangangailangan at bibigyan ka ng di nalilimitahang kalakasan. Panalangin, ang tanging susi sa pagtatamo ng kaligayahan.
“Sa bawat paglalaan ng bawat sandali para sa
isang payapa at taimtim na panalangin,
binabago mo ang iyong katawan at kaluluwa
tungo sa lalo pang pagbuti. Hindi imposible
sa sinumang dumadalangin na hindi magtatamo
ng kahit na kaunting buti mula rito o
kaya’y walang mabuting natutunan.”
Ang dalisay na panalangin ay nagpapanauli ng kalusugan, muli kang itinatayo sa iyong dalawang paa, pinatatatag ka sa iyong mga layunin. Higit sa lahat, pinananauli nito ang paggalang sa sarili, kung ito man ay nawala.
No comments:
Post a Comment