Tuesday, March 31, 2009

YOSI

Warning:: This does not mean promoting cigarette  smoking!




Yosi
Adrianne D’Cruz Balagot

Sabi nila…
‘La ka raw kwenta
Dagdag pambutas ng bulsa
Butas ang baga ‘pag di nasawata
Kulang pa...
Kung malait
Humihithit... Bumubuga
Waring may banal
Nahulog sa lupa
Kung humusga
Talbog ang papa sa Roma
Salamat na rin sa paalaala
Panambitang pang-aalimura.

Pero...!
Sabi lang nila yon di ba?
Pagkat di nila alam,
ang iyong halaga
Sa tulad kong ikaw ang laging kasama
Oo...!
Para sa kanila, silbi ay wala ka!
Pero... pa’no ko pag wala ka?
E! Sa ‘yo lang ako may pagkakataong
Mag-isip…
Magsumbong… ihinga ang sama ng loob
Mangarap at magpasya.
Bakit kasi kadiri kung turan ka?
Naranasan ba nila na ika’y makasama?

Ahhhhhhhhh!

Bakit?...

                                Bakit?...

                                                                     Bakit?...

Bakit nauso pa?
Umaastang banal sa balat ng lupa?
Gayong mas malinis pa sa kanila
Usok na ibinubuga
Sana... makasama ka nila...
Kahit minsan lang!
Bago man lang mamaalam
Tuluyang lumisan.

Tulad ko…
Aalis ka rin
Parehong pag-iral pansamantala
Di pa nakita… mumunting halaga
Nilait-lait pa
‘pag upos na
Ihahagis sa kalsada
Tapak-tapakan
ng mga makwekwenta
Lingid sa kanila
‘pag tayong dalawa’y nagsama
Marami tayong nababasa sa kanilang mukha
Kaya nabubuo ang bawat istorya.

Gaya ngayon…
Nagtatalik ang usok at kaluluwa
Nabubuo…
Iba-ibang larawan
May mukha…
May piso…
May mukha sa piso
May mukhang piso
Marami…
May isa… dalawa… tatlo…
Tatsulok sa mundo.
Marami talaga
Iba-iba…
Ibang iba…
Pagsasama nating dalawa
Naiintindihan natin ang isa’t isa
Kung wala ka…
Kulang ako
Ikaw lang ang kausap
Sa panahon ng pag-iisa.

Haaaaaahhhhh!

Hayan natin sila
Nandito pa tayo.
Di maghihiwalay
Lilikha ng panibagong kabanata
Susulat nang naiibang kwento
Tayo naman ang bida
‘Di lang sila… 
Sobra na…
Binubuhay sila sa mga istorya
Habang pinapaslang tayo ng mga paghaka.

Di na maghihiwalay
Ni malimutan sa kanilang diwa
Pagkat tayo na ang bida
Habang buhay ang mga letra
Paulit-ulit tayong maaalaala.

Upos… mamamatay ang baga
Kasabay… pagpikit ng aking mga mata
May pangrap na nabuo
…nagtugumpay sa’ting pagkawala!